Home » Post Item » 2nd year special - From Toothpickman

2nd year special - From Toothpickman

August 6, 2009

Cerbitero

Toothpickman.

Sino ang pinakapaborito mong tao na may tililing?

Ako, yung sorbetero.

Ewan ko ba kung bakit, pero parang lahat ‘ata ng bata hindi mapakali kapag naririnig na may parating na sorbetero.

May mga tumatakbo papunta sa mga nanay nila’t nanghihingi ng pera, may mga tumatakbo papunta sa mga tatay nila’t kukupit ng pera, may mga nagbabasag ng alkansya nila, may mga nagbabasag ng alkansya ng iba at may mga naghihintay ng manlilibre. Kapag lahat na ng bata may pera na, papaligiran na nila si Manong. Pagkakaguluhan na siyang parang artista, palung-palo at hataw sa takilya. Hindi na uso ang pila. Matira-matibay tsong, pare-pareho lang tayong gutom.

Hindi naman natin alam noong bata ka pa kung saan ba nakukuha ni Manong yung ice cream niya e, pero for some reason, tiwalang-tiwala kang magtiwala sa kanya. Kasi sa dami-dami ng pwedeng paglakuan ng sorbetes, napili niyang dumaan at magtinda sa tapat niyo. Nakakaantig ‘yun, lalo na kung sa tuktok ka ng burol nakatira, kasi gustung-gusto mo ng ice cream, at gustung-gusto ka niyang pagbilhan.

. . .

“Ubos na.”

Ouch.

. . .

Dirty Ice Cream.. Sino bang nagsabing kailangan mo ‘nun? Sino bang nagsabing masustansya ‘yun? Bukod kay Manong Sorbetero?

Parang trivia ang mga dirty ice cream, hindi mo naman talaga kailangan, pero nasasarapan ka sa tuwing nakakatikim ka, lalo na kung uhaw na uhaw ka dun.

Kaso bihira lang ang mga sorbeterong naglalako ng kaalaman, kadalasan makikita mo lang sila sa TV, naka-cowboy hat at naka-pepe shorts.

Bakit kaya Kuya Kim ang tawag kay Kuya Kim? Bukod sa yun ang pangalan niya? Bakit kaya hindi Mommy o Daddy Kim? O Ate Kim? Siguro kasi ang natututunan mo lang sa mga magulang mo ay yung mga bagay na basic, obvious at madaling paniwalaan. Ang mga natututunan mo naman sa mga ate ay kung paano saluhin yung mga inutos sa kanila. Mula pa noong unang panahon, ang mga kuya ang mahilig magshare ng mga walang kwentang trivia.. na gustung-gusto mo namang malaman. Malay mo ba kung ‘di totoo? At least nagbigay siya ng effort para sabihin yun sa’yo. Para siyang sorbeterong di-alintanang umakyat sa burol para bentahan ka ng paborito mong ice cream na hindi mo alam kung saan nanggaling.

Touching.

Bilib talaga ako sa mga kuya. Wala akong kuya sa bahay e. Ako ang kuya sa bahay. ‘O di ba ang conceited ko masyado?

Never mind.

Hindi ka maniniwala sa sinasabi ng kausap mo kung hindi ka nagtitiwala sa kanya, at hindi ka magtitiwala sa kausap mo hangga’t wala pa siyang sinasabi sa’yo. Kaya siguro malaki ang tiwala ko sa mga pinsan ko, lalo na ‘yung mga nagku-kuya-kuyahan, dahil sa mga sinasabi nila, lalo na yung mga binibigay nilang kaalaman na hindi ko naman talaga kailangang malaman. Kung ‘di dahil sa mga kuya ko, hindi ko malalamang marami pa pala akong ‘di alam. Na marami ka palang bagay na matutunan sa labas ng klasrum, malayo sa ilalim ng punong mangga at sa may bandang internet shop. Ang mga kuya ko ang nagturo sa’kin kung paano makipagkilala sa mga bagay na ‘di ko alam, katulad ng iba’t ibang klase ng magazines (sshh!). Kung di dahil sa kanila, wala sana akong tiwala sa media, at sa iba pang mga tao bukod sa sarili ko, kay Nanay, at kay Tatay. Natuto akong respetuhin at paniwalaan ang mga kasinungalingan at kalokohan ng tao, at tawanan ang sarili ko kasi utu-uto ako.

Lahat ng bata sa mundo ay naghahangad ng isang sorbetero, kahit isa lang, na mag-aabalang dumaan sa tapat nila para magpatunog ng tililing at magbenta ng maduming sorbetes, at lahat din ng bata ay naghahangad ng kuyang magbibigay ng mga walang silbing kaalaman na masarap lasapin, lalo na yung mga tipong gumagawa ng blog para lang mas mapadali ang pagdadaldalan niyo.

Lahat ng kailangan kong matutunan, natutunan ko nung kinder, lahat ng mga ayaw kong matutunan, natutunan ko kay Nanay, lahat ng bawal kong matutunan, natutunan ko sa panunuod ng.. uhmm.. Hindi ko pa pala yun natutunan. Pero lahat ng mga hindi ko kailangang matutunan, na ginusto kong matutunan, natutunan ko sa mga kuya.

Kuya Joshua Cerbito, isang tunay na sorbetero.

 


Posted by kuyajot at 13:01:00 | permalink

Add a comment