Home » Post Item » LibeRAINting
LibeRAINting
July 27, 2009Rain rain rain. Ooops hindi yung korean actor.
Naranasan mo na bang maligo sa ulan noong bata ka pa? Anu pakiramdam?
Naaalala ko noong mga bata pa kami ng mga pinsan ko, mahilig kami maglaro sa ulan. ewan ko ba kung bakit pag umuulan, iba ang pakiramdam. Ang simpleng habulan, paglalaro ng bola, pagtataguan at pagpapasaway sa mga magulang ay tila ba nagbibigay ng kakaibang kaligayahan kapag ito ay ginagawa namin habang umuulan. Bakit kaya? Basa at maputik na nga, masaya parin.
Galing ako sa simbahan kanina. Umulan nang malakas. Tumililing na naman ang utak ko. Sabay takbo pauwi, palit ng pambahay na damit at dali daling lumabas. Sa wakas, nasusundan na ang huling ligo ko sa ulan na nagawa ko pa noong elementary ako. Ang saya. Muli, naramdaman ko na naman ang mga patak ng ulan na dumadampi sa aking mukha, hindi ko ito mapigilan, at hindi ko ito gustong pigilan. Naalala ko panandalian ang aking kabataan, mali, ang aking kamusmusan. Noong panahaon na malaya pa ako sa lahat ng problema ng buhay. Na maliban sa grades sa school at assignments, eh wala ng ibang iniisip kundi paglalaro. Ang saya.
At saka ko naisip, tama, naeenjoy nang mga bata ang ulan dahil malaya pa sila. Teka, malaya rin naman ako, pinalaya na ako ng Diyos sa mga kasalanan ko, pinalaya na niya ako sa mga hinanakit sa puso ko. Malaya na ako, malayang isipin ang mga gustong isipin at malayang gawin ang mga gustong gawin. Kaya nagtatakbo ako sa kalsada namin, wala akong pakielam sa mga ibang tao. Nagtaas ng dalawang kamay at nagsisigaw ng kung anu ano…
“Wahhhhhh! Mahal kita! Mahal na mahal!”
“Wahhhhhh! Maghihintay ako! Lalaban ako! Para sayo!”
“Whoooo! Freedom! Whoo!”
“Whooo! Thank you Lord for the rain! Thank you Lord for my freedom!”
… dahil malaya ako, at masaya ako sa aking kalayaan.
Tara, ligo tayo sa ulan?
Previous Comments
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.



Sige, ligo tayo sa ulan.
Hehe. Pero, iyan ay “noon.”
Noon na bata pa tayo.
Ngayon ay tila kalokohan na ang pagligo sa ulan para sa akin. Hindi lang dahil sa matanda na ako (siyempre, nakakahiya, at gaya ng sabi mo na di na tayo “malaya” na tulad ng mga paslit) pero dahil sa delikado na kasi. Masyado nang acidic ang ulan, pinaka-acidic sa kalunsuran. Kadiri rin ang maligo lalo’t nakikita mo ang mga basura at maitiim na tubig-baha.
Hay.
Posted by xdalisayx at July 29, 2009, 5:51 pm